Sablay ang tugmaan ng awtor lalo sa paggamit ng pandulong tugmang nagwawakas sa patinig, at kahit ang may impit na malumi at maragsa ay itinutugma niya sa pulos malumay o mabilis na bigkas.Maaaring may kinalaman dito na ang bigkas ng mga salita sa Ilokano ay walang malumi o maragsa; gayunman, hindi ito dapat maging dahilan yamang ang ginamit ni Duque ay hindi wikang Iluko bagkus Filipino.

Mamumundok si Isabelo makaraang ibilanggo ang kaniyang mga kaanak dahil sa pekeng paratang ni Fray Redondo; magpapakadalubhasa sa paghawak ng armas at sa sining ng pakikihamok, gaya ni Rambo, doon sa liblib na pook; at mangangalap ng mga tauhan sa hanay ng mga pangkat etniko ng Ilokos upang bumuo ng hukbong panlaban sa mananakop.

Magbabalik siya sa bayan ng Candon na parang koboy na sakay ng puting kabayo, maghihiganti kina Fray Redondo at Alvaro de Gracia na gumahasa at pumatay sa kasintahang si Imnas.

Kung positibo ang tingin sa Ilokano, kabaligtaran naman ang mga kontrabidang Fray Rafael Redondo at ang mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, na pawang inilarawang mabalasik, malayaw, gahaman, at malibog na ibig kandiin ang sinumang makitang dalaga.

Ang paglalarawan ay de-kahon, gaya ng “ulupong” lagi ang kaaway kung hindi man “duwag” na kawangis ni Lusiper, at parang pelikula noong panahon ng kopong-kopong na ang mga kontrabida ang sukdulan ng kasamaan, ang anti-tesis sa katauhan ng mga bidang gaya nina Isabelo Abaya at Salacnib Arquero na pawang may makalangit na kabutihan.

Kahit ang deskripsiyon sa mga babaeng sina Imnas at Saniata ay palabís at animo’y pawang diwata o diyosa, reyna ng uniberso, at pinakamagandang hayop, bukod sa nagtataglay ng mga katangiang mayumi, masunurin, matatag, at mapagmahal.

Inulit lamang ni Duque ang mga sakit sa pagkatha ng mga Balagtasista noon.Ilulugar ng tagapagsalaysay ang himagsikan sa Candon sa mahabang kasaysayan ng himagsikan sa Kailukohan, at kabilang dito ang Cagayan, Gran Cordillera, Kalinga, Pangasinan, at Zambales, at babanggitin ang mga pakikibaka ng gaya nina Magalat, Andres Malong, Juan Caragay, at Juan de la Cruz Palaris.Ngunit higit pa rito, pahahalagahan ang himagsikan sa Candon na kaugnay ng pakikibaka ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) ni Andres Bonifacio at lalampas sa maalingasngas na Kasunduan sa Biyak na Bato.Noroon sina Don Proceso’t Donya Severa At gayundi’y kasama Si Fernando Abaya, Ang anak ng pari, ngunit si Belong ay wala!Mapapansin sa saknong 6 na ang may impit na mga salitang “bumuô,” “sugò,” at “makipagkasundò” ay itinugma sa walang impit na “Nilo,” “pueblo,” “dito,” “maginoo,” at “ito.” Sa saknong 7, mauulit ang mali at itutugma ang maragsang “walâ” at maluming “saganà” sa malulumay na “sala,” “Abaya,” “Espanya,” “Severa,” at “kasama.” Hindi gumawa ng ganito si Francisco Balagtas, at kahit ang mga balagtasistang sumunod sa kaniya sa kaniyang bakas.Bagaman ang pamagat ng epiko ay “Candon,” hindi naman talaga Candon ang pangunahing tuon ng epiko bagkus si Isabelo Abaya.